Araw-araw na kunsumido si Jennifer. Tuwing nagpapakain ng mga alaga iniisip ang matinding pagkalugi dahil ‘di maibenta ang mga inaaning itlog.
Kung dati rati kasi ay nakakabenta ng dalawang libong piraso ng itlog kada linggo, ngayon napakatumal na.
Mababa na nga ang demand binabaha pa ang Baguio at Benguet ng mga itlog mula sa Pangasinan, La Union, Tarlac at Bulacan.
Kaya ang isa pang egg farmer na si Ben Daoey napapabuntong hininga habang inaani ang mga itlog sa manukan niya sa Sablan, Benguet.
Nasa pitumpu ang rehistradong egg farmer sa Benguet. Karamihan sa kanila nangutang o nagpa-alalay sa Department of Agriculture o DA para mag-egg farming.
Sumulat na sila sa DA at pamahalaang panlalawigan ng Benguet. Hiling nila sana ay ma-regulate ang pagpasok ng mga itlog sa Baguio at Benguet.
Pero hindi naman daw nagpapabaya ang DA para maprotektahan ang interes ng mga Benguet egg farmer.
Una ay hinigpitan daw nila ang pagsusuri sa quarantine checkpoint. Pangalawa ay may mga inoorganisang outlet para doon maibenta ang mga itlog ng Benguet.
Pero para sa mga egg farmer gaya ni Jennifer at Ben, hindi ito sapat. Kaya pag-asa na lang daw nila ay bilhin ng mga kapwa taga-Bagauio at Benguet ang kanilang mga paninda. Malaki man daw sa paningin ang mga itlog, mas angat pa rin ang kalidad ng itlog ng Benguet.