Kinilala ni Employees Compensation Commission Executive Director Stella Zipangan-Banawis na compensable ang karamdaman sa pag-iisip mula sa pagod at stress ng trabaho gaya ng nakapaloob sa House Bill 6253 o ang Mental Wellness Leave na inakda ni Ang Probinsyano Partylist Representative Alfred Delos Santos.
Layunin ng HB 6253 na matugunan ang dumaraming kaso ng mental illness sa mga manggagawa.
Ayon kay Delos Santos, ” Ikinagagalak po namin ang pahayag ni Director Banawis na mahalaga at compensable ang Mental Wellness Leave. Matagal na po naming ipinaglalabang mabigyan ng kaukulang atensyon ang mental health ng ating mga manggagawa para malapatan ng kumpleto at akmang benepisyo ang kanilang mga pangangailangan sa aspetong ito ng kanilang kalusugan”.
Sa ilalim ng HB 6253, bibigyan ang mga manggagawa ng limang araw na karagdagang paid leave, bukod pa sa kanilang vacation leave at sick leave.
Mapapailalim ang nasabing panukalang batas sa RA 11036 o ang Philippine Mental Health Law na naglalayong bigyan ng proteksyon ang mga manggagawang nahaharap sa psychiatric, neurologic at psychosocial issues lalo pa’t dumarami ang may depressive disorders dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon sa Department Of Health, 17 milyong Pilipino na ang may depression.
Sabi naman ng National Center for Mental Health Crisis Hotline, umaabot na sa higit 11,000 tawag ang natanggap nila noong 2020.
Mas mataas ito ng 247 poriyento kumpara noong 2019 kung saan 3,000 lang ang natanggap nilang tawag.
Dahil dito, sinabi ni Delos Santos na mahalagang mabigyan ng agarang atensyon ang mental health ng mga manggagawa sa harap ng matinding stress at pangambang dulot ng COVID-19.
“Wala pa man itong COVID-19 pandemic marami na sa ating mga manggagawa ang stressed sa trabaho. Nadagdagan pa ito ng takot sa pandemya, at doble ang kinakaharap ngayon ng ating frontliners at essential workers”.
Iginiit ni Delos Santos na mahalagang may ibigay na mga aktibidad at programa ang mga kumpanya para mabawasan ang stress ng kanilang mga empleyado.
Paalala pa niya, mas produktibo ang masayang manggagawa.
Bukod sa House Bill 06253, isinulong din ni Delos Santos ang House Bill 00081 na nagrerekisa sa mga employer na magpatupad ng komprehensibong Occupational Safety, Health at Emergency Response Team para matiyak ang kaligtasan ng lahat ng artists na nagtatrabaho sa Film, Television at Theater Industries sa bansa.
Gayundin ang House Bill 00309 o ang panukalang 35-hour working week scheme bilang alternatibong work arrangement sa pribadong sektor.