Hindi parin maalis ang bakas ng ngiti sa labi ni King Joshua Arzadon dahil sa magandang balitang natanggap nito. Pasado kasi siya sa katatapos lamang na Electrical Engineering Licensure Examination. Kwento niya gabi noong Biyernes, ikinagulat niya ang sunod sunod na mensahe ng pagbati na natanggap. Ayon kay King, hindi pa niya alam na lumabas na ang resulta kaya laking gulat na lamang niya ng mag-chat ang kasama niyang nag review ng pagbati sakanya. Kaya’t agad-agad niya tinignan ang resulta.
Pero ang hindi niya inaasahan, hindi lamang siya nakapasa pero siya ang nakakuha ng pangalawang pinakamataas na ranking sa 4,914 na sumubok at 2,467 na pumasa. Agad niya itong ibinalita sa kanyang ina. Kwento pa niya sa sobrang galak ng kanyang ina ay “Sa sobrang lakas ng sigaw ni mama naisturbo na ata yung kapitbahay namin, pero yun humingi naman ng tawad si mama, yun talaga di na namin mapigilan yung excitement nung nakita na namin yung result” Ang kasiyahan, umabot din sa Florida U.S.A doon kasi nagtatrabaho ang kanyang ama na isang OFW. Dagdag pa niya ay kahit kailan ay hindi siya nakaramdam ng pressure mula sa kanyang ina kundi pagmamahal at suporta ang kanyang natanggap. Pero sa likod ng tagumpay na ito, madaming paghihirap din ang kanyang pinagdaanan.
Mabuti na lamang daw ay hindi niya ito sinukuan. Bukod sa pagkilalang natatanggap, ang kanya namang naging premyo ay ang ngiti sa labi ng mga huwaran at mapagmahal na magulang. Ngayon, handang handa na si King sa panibagong tatahaking landas bilang isang ganap na Engineer.