Gaming chips, baraha, malalaking halaga ng pera, betting table at iba pa. Ito ang mga bumulaga sa mga awtoridad sa isinagawang raid sa pasugalan sa Legarda Road, Baguio City. Nang magkahulian, aabot sa 133 na katao ang nahuli sa lugar kung saan isa sa mga nahuli ay pulis.
Ayon sa Police Regional Office Cordillera malakihan ang operasyon ng nasabing pasugalan. Samu’t-saring klase ng mga sugal ang nakita sa lugar.
Dagdag pa ng pulisya, ongoing pa lang ang profiling sa mga nahuli dahil na rin sa dami ng mga ito at inihahanda na nila ang paghahain ng reklamo.
Haharap ang mga nahuli sa reklamong paglabag sa Republic Act 9287 at Presidential Decree 449.
Bago pa ang nasabing operasyon, ipinag-utos ni Mayor Benjamin Magalong sa pulisya ang pagpuksa sa anumang klase ng ilegal na sugal kagaya ng drop ball sa lungsod.
Umaasa naman ang pulisya na magsisilbi itong warning sa publiko na umiwas sa sugal.