Sa isang curriculum festival exhibit, pinatunayan ng mga mag-aaral sa Tagudin, Ilocos Sur ang kanilang mga galing at talento.
Paintings, diorama, handicrafts, pagkain, pickled vegetables at kung ano-ano pang gawa at produkto ng mga mag-aaral ng elementarya at sekondarya ang makikita sa naturang exhibit.
“Na-amaze ako sa mga ginawa ng mga kabataan,” sabi ni Vice Mayor Evangeline Versoza. “Ganito pala ang kalalabasan ng first ever curriculum festival.”
Ayon sa gurong si Jocelyn Borje ng Pacac Elementary School na isa sa mga kalahok, pinaghandaan daw ng mga mag-aaral ang naturang pagpapakitang gilas.
Ilang buwan daw na nag-alaga ng mga ito ng mga halaman sa kanilang paaralan.
“Kasama din sa lesson namin ang entrepreneurship so kailangan nilang maranasang magtinda [at] gumawa ng mga product para matutunan nila ang pagnenegosyo,” kanyang saad.
Malaking oportunidad naman ito para mahubog ang pagkamalikhain ng mga kabataan at maisulong ang edukasyon para kay Aldrin Ferdinand P. Hadlos, coordinator ng Culture and Arts ng Department of Education – Tagudin District.
“Through the exhibit, we could also see that there is an impact on the learners,” dagdag pa niya.
Ikinatuwa naman ito ng ilang residente at mga turista.
“We believe that this is very innovative, creative, artistic, motivating, and at the same time inspiring,” kumbinsidong sabi ni Gina Jimeno Aspiras, Master Teacher III ng DepEd Cabanatuan.
Ang exhibit ay libreng mabibisita ng publiko at ito ay parte parin ng pagdiriwang ng Tikanlu Festival sa bayan ng Tagudin.