Nagpatupad ng feeding program ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan sa Sitio Aplaya sa Lingayen kasama ang mga lumahok sa Limgas na Pangasinan 2023.
Ayon kay Marites Pascua, punong guro ng Aplaya Elementary School, aabot sa 105 kaso ng malnutrisyon ang naitala sa Aplaya Elementary School.
“Sa amin pong record meron po kaming mahigit isang daan na wasted at severely wasted na pupils kaya ang feeding program na ito ay isang malaking tulong para sa mga bata na nag-aaral sa Aplaya Elementary School,” saad niya.
Nagtungo ang Bantay Kalusugan Feeding Program sa sitio para mabigyang aksyon ang problemang ito.
Nakiisa sa programa ang mga lumahok sa Limgas na Pangasinan 2023. Pinangunahan ito ni Maan Tuazon-Guico, first lady ng Pangasinan at chairperson ng Limgas nitong taon.
“We want the Limgas to be upgraded. It’s not just a pageant. Gusto namin na ito po ay maging isang cultural event for the province. We want to showcase the best of Pangasinan – showcase the culture and heritage of the province,” saad nito.
Layunin ng organisasyon na magkaroon ng adbokasiya para makatulong sa mga nangangailangan.
“Itong Limgas na Pangasinan, it’s not just about beauty and brains but compassion and [paano] makitungo sa ibang tao,” pahayag ni Maurae Charel Cacafranca, ang pambato ng bayan ng Sta. Barbara.
Patunay daw ito na bukod sa angking ganda ng mga kandidata, mayroon din silang malasakit at pagmamahal sa kapwa.
Nagpamigay din ang pamahalaang panlalawigan ng 200 food packs sa mga residente ng sitio na ipinagpasalamat ng punong guro ng Aplaya Elementary School.
“Bilang principal ng Aplaya, ako po ay nagagalak dahil naisipan po ng ating probinsiya na magbigay ng feeding program sa Aplaya Elementary School,” malugod na sabi nito.
Ang mga ganitong programa na ipinapatupad ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan ay naglalayong ipakita sa mga opisyal ang mga problema ng mga lugar na kanilang sakop.
“Yung outreach program po ni Ma’am Maan at ng PSWDO [ay] hindi lang siya yung nagpapakain ng one time. Gusto niya yung nag-iimmerse para tignan talaga ang kanilang kalagayan,” sabi ng PSWD officer na si Annabel Terrado-Roque.
Isa lamang ang Sitio Aplaya sa ilang mga lugar na nais maabot ng feeding program.